"Pilit" --- a Spoken Word Poetry by Andrea Tan

Naaalala mo pa ba Sinta, 
Kung paanong tayong dalawa ay nagsimula? 
Nasa isang sulok ako noon sa kwarto at nag-iisa, 
Nang bigla kang lumapit at nagpakilala. 
Noong una ay ayaw kong tanggapin, 
Iniisip ko, baka kasi ikaw lang ay nagpapapansin. 
Pero nagpumilit ka. 
Nagpumilit kang magpakilala kahit ayaw ko. 
Nagpumilit kang alamin ang pangalan ko. 
Nagpumilit kang makipagkamay ako sa'yo. 
Nagpumilit ka. 
Nagpumilit kang pumasok sa buhay ko. 
Nagpumilit kang maging kaibigan ako. 
Nagpumilit ka.
Nagpumilit ka.
Nagpumilit ka di ba? 
Pero ngayon nasaan ka na?


Naaalala ko, sobrang inis na inis ako sa'yo noong mga panahong iyon. 
Ang kulit-kulit mo kasi. 
Kahit saan ako magpunta, naroroon ka. 
Sunod ka nang sunod na parang aso. 
Dikit ka nang dikit na parang linta. 
Naiinis na ako! 
Ilang beses na kitang pinalayo. 


Pero aaminin ko.
Aaminin ko, na noong mga panahong iyon, masaya ako sa piling mo. 
Na kahit na nakakainis ang pagsunod-sunod mo at pagdikit-dikit mo, 
Sa tuwing nawawala ka sa paningin ko at sa tabi ko, 
hinahanap-hanap ko ang presensya mo.


Hanggang sa isang araw umamin ka. 
Inamin mong gusto mo ako.
Inamin mong mahalaga ako sa'yo. 
Inamin mong espesyal ako sa'yo. 
Inamin mong mahal mo ako. 


Noong panahong iyon, naaalala ko, 
sobrang bilis nang pintig ng puso ko. 
Hinihingal ako na para akong tumakbo, 
tumakbo nang napakalayo, 
na para bang sumali ako sa isang karera, 
kahit ang puso ko lang naman ang sumali talaga. 
At sa karerang iyon, pakiramdam ko nanalo ang puso ko. 
Nanalo dahil nakarating siya sa dulo. 
Nakarating sa puso mo.


Sobrang saya ko! 
Gusto ko iyong aminin sa'yo, kaso natakot ako. 
Natakot ako na baka kapag inamin kong gusto rin kita, 
kapag inamin kong mahal kita, 
at tayong dalawa ay maging isa, 
baka bigla kang lumayo at iwan akong mag-isa. 
Natakot ako na baka kapag nakuha mo na ang gusto mo, 
biglang iwan mo ako. 
Natakot ako na baka kapag naging tayo na, 
mawala ang 'yong lambing at tamis ng 'yong pag-ibig. 
Natakot ako na mawala ang tamis ng ating pagsasama. 
Natakot ako dahil bata pa tayo at baka napapadalos-dalos ka lang sa desisyon mo. 
Natakot ako na baka hindi mo naman talaga ako mahal at bukas ay magbago na ang 'yong nararamdaman.
Natakot ako na baka may makilala kang iba at mas maganda, 
At bigla mo akong kalimutan. 
Natakot ako. 
Natakot akong masaktan. 
At patawad Sinta, 
Patawad, kasi natakot akong talaga at sa'yo ay hindi nagtiwala.



Pero lahat ng takot ko at pangamba ay nawala.
Sabi mo kasi sa akin, maghihintay ka. 
Maghihintay ka na aminin kong mahal din kita talaga at maging handang maging tayong dalawa. 
At nagawa mo nga. 
Nanligaw ka araw-gabi para patunayang mahal mo ako. 
Inantay mo ako nang ilang taon nang sobrang tiyaga. 
Inantay mo akong mahulog sa'yo nang sobra-sobra. 
Sobra-sobra na mahihirapan na akong umahon pa. 
At sa wakas, 
Sa wakas, nahulog na nga ako. 
Sa wakas, nasagot ko na ang tanong mo ng "Oo". 
Sa wakas, nasabi ko nang "Oo, Mahal kita. Oo, tayo na."



Pero bakit ganoon Sinta? 
Bakit kung kailan naging tayong dalawa na, tska ka nagbagong bigla? 
Ilang linggo pa lang tayo di ba? 
Nagkatotoo na ba ang mga kinatakutan ko noong una? 
Nagkatotoo na bang nanlalamig ka na dahil tayo nang dalawa? 
Nagkatotoo na bang nawala na ang mga tamis ng iyong salita dahil nauumay ka na? 
Nagkatotoo na ba na ang pag-ibig mo sa akin na dating mas mainit pa sa kape ay unti-unting lumamig at pumait sa isang tabi? 
Nagkatotoo na ba ang mga iyon talaga? 
O ngayon mo naramdaman ang pagod sa pag-hintay sa akin ng matagal? 
O dahil may iba ka nang mahal?



Ang sakit! 
Ang sakit-sakit Sinta! 
Nagkatotoo nga lahat ng takot ko at mga tanong sa'yo. 
Pero ano pa nga bang magagawa ko? 
Eh nangyari na nga di ba? 
Nagpumilit ka kasi eh. 
Nagpumilit kang pumasok sa buhay ko 
At ang sakit-sakit na kung kelan tinanggap na kita nang buong-buo, 
'saka ka naman nagpupumilit na umalis nang sobrang bilis.



Dati nagpupumilit kang pumasok sa buhay ko, 
Pero ngayon nagpupumilit ka nang lumabas 
At kalimutan lahat ng meron tayong dalawa.
Lahat ng alaala nating dalawa. 
Lahat ng pinagsamahan nating dalawa. 
Kung paano tayo nagkakilala. 
Kung paano mo ako unang beses napatawa. 
Kung paano mo ako kulitin at asarin sa tuwing tayo ay magkasama. 
Kung paano mo ako haranahin at mahalin. 
Kung paano ako sa'yo unti-unting nahulog at ngayon ay nalulunod, 
nalulunod sa sakit, 
sa sobrang lalim na sakit. 
Lahat, lahat, ay gusto mong kalimutan. 
Na para bang hindi iyon naging parte na 'yong nakaraan. 
Lahat ng alaala nating dalawa na parang isa lamang iyong prutas na madaling mapitas, 
madaling mabulok, madaling mabaon sa limot.



Pero Oo Sinta, 
wag kang mag-alala, 
Dahil ngayon, ito na ang ginawa ko sa'yong huling alaala. 
Kakalimutan ko na ang lahat nang mayroon tayo noon. 
At pipilitin ko nang umahon, 
At ang sakit na nararamdaman ay akin nang ibabaon. 
Dahil kung paanong hindi naging permanente ang samahan nating dalawa, 
ganoon din ang nararamdaman ko para sa'yo Sinta. 


Hindi mo na kailangan pang piliting umalis sa buhay ko, 
Dahil ngayon, pinapalaya na kita. 
Ay Mali! 
Mali pala! 
Pinapalayas na kita!
At pakiusap,
Pakiusap, wag ka nang babalik at mamimilit pa!

Mga Komento

  1. Mga Tugon
    1. Na-feel ko po 'yung nabasa ko sa Wattpad eh, tsaka impluwensya ng mga Spoken Word Poetries ni Juan Miguel Severo xD

      Burahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

"Pangarap Lang Kita" --- Spoken Word Poetry by Andrea Tan

"Patawad" by Blessel Tumulak