"Oo" by Andrea Tan
Oo, dalawang letra, isang salita.
Isang salitang bumuo sa mundo ko.
Isang salitang kumumpleto sa kaligayahan ko.
Isang salitang nagbigay kulay sa buhay ko.
"Oo", ang sabi mo.
"Oo, tayo na."
Oo, sinasagot mo na ako sa panliligaw ko.
Oo, mahal mo rin ako at wala nang iba.
Oo, sobrang saya ko.
Minahal kita higit pa sa sarili ko.
Nakalimutan ko, wala nga palang permanente sa mundo.
Nagbabago nga pala ang mga tao, kasabay ng nararamdaman nito.
Oo, nagtagal tayong dalawa.
Oo, mahal natin ang isa't isa,
Pero minsan hindi pala sapat ang pag-ibig lang,
Kailangan din pala ng oras at tiwala.
Oo, napakalambing mo noong simula.
Napakatamis nang iyong mga salita, pero, bigla kang nanlamig Sinta.
Kasalanan ko ba dahil hindi tayo madalas magkita?
O dahil may mahal ka nang iba?
Oo, tinanong kita.
Tinanong kita kahit alam ko na ang sagot
Ramdam ko na ang sagot.
Kailangan ko lang ng kumpirmasyon mula sa'yo, kahit na alam kong magiging masakit ito.
"Oo", ang sabi mo.
Oo, mahal mo siya at hindi na ako.
Oo, tapos na tayo.
Oo, wala nang tayo.
Oo, dalawang letra isang salita.
Isang salita na nag-ugnay sa ating dalawa.
Isang salita na siyang naging ating simula,
At hindi ko akaling siya ring magiging katapusan nating dalawa.
Oo, dalawang letra, isang salita.
Isang salitang minsang naging sobrang tamis, na ngayo'y napalitan nang sobrang pait.
Isang salitang minsang nagdulot ng saya,
Sayang napalitan nang sobrang lungkot at sakit.
Oo, dalawang letra, isang salita.
Isang salitang bumuo sa puso ko.
Isang salitang dumurog din dito sa pira-piraso.
Isang salitang unti-unting tinangay ang buhay ko.
Oo, nakamamatay ang sakit, Sinta.
Pero alam ko, walang permanente sa mundo,
Tulad nang kung paano natapos ang pag-ibig mo sa akin,
Ay ganoon din matatapos ang pag-ibig ko sa'yo at ang sakit na ito.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento