"Pag-ibig --- Pitong Letra, Isang Salita" by Andrea Tan

Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na may napakalalim na kahulugan. 
Napakalalim na sa oras na mahulog ka, napakahirap nang umahon pa. 
Napakalalim na minsan ay nakakalunod na. 





Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na puno ng hiwaga at misteryo. 
Isang salita na kayang punuin ang kalamnam mo ng paru-paro. 
Isang salita na kaya kang paniwalain sa mga pantasya. 




Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na 'tila bawat isang tao sa mundo ay may kanya-kanyang interpretasyon at kahulugan.
Interpretasyon at kahulugan na hindi sa diksyunaryo makikita. 
Interpretasyon at kahulugan na base sa napagdaanan at eksperiyensya. 



Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na ikinukumpara sa isang bagay kung minsan, 
Pero sadyang napakahirap ilarawan. 
Pagkat ito'y isang bagay na 'di basta-basta nakikita ng mata. 



Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na hindi ko alam kung saan nga ba nagmula. 
Sa isip ba? 
O sa puso talaga? 





Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na puno ng alaala. 
Mga alaala na 'di malilimutan. 
Alaala na naging parte na lang ng nakaraan. 



Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na may iba't ibang paraan para ipakita at ipadama. 
Isang salita na kulang kung walang gawa, 
Na siyang magpapatibay at magpapatotoo sa nadarama. 




Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na kayang iparamdam sayo ang iba't-ibang pakiramdam sa mundo. 
Saya, lungkot, sakit, Kayang paghalu-haluin nito sa ilang segundo. 
Kayang ibahin ang ikot ng iyong mundo. 



Pitong letra, isang salita. 
Isang salitang nagbibigay kalakasan, 
Pero siya ring nagiging kahinaan, 
Lalo na kapag puso ang higit na pinairal kaysa isipan. 




Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na kayang mawasak ang puso mo sa napakaraming piraso, 
Pero siya ring bubuo rito, 
At magbibigay kulay sa buhay mo.



Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na may tatlong pantig. 
Tatlong pantig na napakadaling bigkasin kung tutuusin, 
Pero kung minsan ay napakahirap ihayag at aminin. 




Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na inuugnay kay Kupido. 
Isang salitang nauugnay din sa salitang sakripisyo. 
Lalo na kung ang tadhana niyo pala ay hindi pwedeng magtagpo.  






Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na pwedeng mabasag ka. 
Isang salita na tulad ng isang pangako, minsan ay napapako, 
Dahil sa kaugnay na responsibilidad na inaako. 





Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na tulad ng isang malokong laro. 
Laro na pwede kang madapa, masugatan, o mapaso. 
Isang salita na tulad ng isang sugal ay pwede kang matalo. 



Pitong letra, isang salita. 
Isang salita na nag-uugnay sa mga tao. 
Isang salita na siya ring naghihiwalay sa mga ito. 
Isang salitang nagbibigay saya, ngunit nagbibigay din ng sakit. 




Pitong letra, isang salita. 
Isang salitang napakatamis, pero minsa'y nagiging mapait. 
Isang salitang minsa'y akala mo'y totoo, 
Pero ikaw pala'y naloloko.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

"Pangarap Lang Kita" --- Spoken Word Poetry by Andrea Tan

"Pilit" --- a Spoken Word Poetry by Andrea Tan

"Patawad" by Blessel Tumulak