"Siya" by Andrea Tan
Masayahin, palabiro, at masaya kasama,
Ganyan ka noong una.
Lahat ay iyong nakakasundo,
At 'tila wala kang alalahanin sa mundo.
Lahat naiingit sa'yo dahil nakukuha mo lahat ng gusto mo.
Matalino ka pa at maganda.
Lahat din ay namamangha sa dami ng iyong talento.
Pero nananatili kang mapagpakumbaba.
Suportado ka ng mga taong mahal mo.
Ginagabayan ka nila sa bawat gagawin mo.
Binibigyan ng mga pangaral at paalala,
Para matuto ka ng disiplina.
Hanggang sa isang araw,
Nawala ang magandang tugtog at napatigil ka sa pagsayaw.
Nawala ang mga taong importante sa buhay mo,
Gumuho ang 'yong mundo.
Iniwan ka ng iyong kasintahan,
At sa iba ay nakipagtanan.
Pangako niyo sa isa't isa ay kayo hanggang sa dulo,
Pero lahat ng pangako ay napako.
Nawasak pa ang inyong pamilya,
Naghiwalay ang iyong ama't ina.
Dahil ang isa ay may kalaguyo,
Habang ang isa ay masyadong tutok sa trabaho.
Ang dating buo at masaya niyong pamilya ay nagkahiwa-hiwalay.
Ang dating hapagkainan na puno ng tawanan,
Ngayo'y napuno ng iyakan.
Lahat naging matamlay.
Ang kaibigan mo naman na dapat tatakbuhan mo ay nalaman mong ikaw pala'y niloko,
Siya pala ang kasama ngayon ng iyong nobyo.
Lahat ng iyong ngiti ay biglang naglaho.
Unti-unti ka ring nagbago.
Mag-isa ka na lang ngayon sa inyong bahay,
Ang mga kapatid mo ay sumama na sa iyong nanay at tatay.
Nagpakalayo sila at iniwan kang mag-isa,
Ayaw mo kasing mamili sa pagitan nilang dalawa.
Ang iyong mata na dati ay puno ng kislap dahil sa tuwa,
Ngayon ay napapalibutan ng mga luha.
Luhang umaagos sa mukha mo na 'tila isang gripo,
Luhang maalat pa sa tubig sa dagat.
Ang iyong dating nakakahalinang tawa,
Ay napalitan ng mga malalakas na paghikbi.
Ang iyong dating matatamis na salita,
Ay napalitan ng pait at dalamhati.
Kung dati ay palakaibigan ka,
Ngayo'y unti-unti ka nang lumalayo sa kanila.
Kung dati ikaw ay maingay at masigla,
Ngayo'y naging tahimik ka na at laging nag-iisa.
"Ok lang ako", ang lagi mong sinasabi,
Kahit ang puso mo sa loob-loob ay nahahati.
Gusto mong humiling ng tulong sa iba,
Pero ayaw mong kaawaan ka nila.
Pinilit mo, pinilit mong masanay mag-isa.
Lagi mong sinasabi na sanay ka na,
At hindi mo kailangan ng kasama,
Dahil iniisip mong sa dulo ay iiwan ka rin naman nila.
Hindi ka na umasa,
Hindi ka na umasang babalik pa sila.
Sabi mo kasi, hindi lahat ng umaalis ay bumabalik.
Katulad ng kung paanong hindi lahat ay nananatili.
Akala mo tunay ka nang nag-iisa,
Akala mo wala kang kasama,
Pero ang totoo, hindi mo lang Siya nakikita.
Hindi mo lang nakikita ang presensya Niya.
Akala mo tinalikuran ka na ng buong mundo,
Pero Siya ay hindi kailan man tatalikod sa'yo.
Inaantay Niya lang ang pagharap mo sa Kanya,
Para mayakap ka na Niya.
Tumakbo ka palayo, palayo sa Kanya.
Akala mo kasi sa paglayo mo, makakalimot ka.
Makakalimutan mo ang lahat ng sakit at pait, pero nagkamali ka,
Dahil sa paglayo mo, kaya ka nakaramdam ng pag-iisa.
Inaantay ka Niya.
Inaantay Niya ang pagtakbo mo pabalik sa Kanya.
Inaantay ka Niya kahit sobrang tagal na Niyang nag-aantay.
Hindi Siya napapagod maghintay sa'yo pero sana bumalik ka na.
Kung gusto mo ng maiiyakan, maiiyakan mo Siya.
Kung gusto mo ng masasandalan, masasandalan mo Siya.
Kung gusto mo ng karamay sa problema, dadamayan ka Niya.
Kung gusto mo ng tulong, tutulungan ka Niya.
Tulad Siya ng isang hangin na hindi mo nakikita,
Pero madarama mo ang presensya Niya.
Hindi ka Niya iiwan.
Hindi ka Niya pababayaan.
Kung tatanungin mo Siya kung bakit lahat ng iyon ay nangyari,
Lahat ng bagay ay may dahilan,
Maaring ngayon ay hindi mo iyon maintindihan,
Pero balang araw ay iyon din iyong mauunawaan at Siya ay iyong pasasalamatan.
Dahil sa Kanya, unti-unti kang nagkaroon ng pag-asa,
Unti-unti kang bumangon at bumalik ang iyong sigla.
Ang dating masayahing ikaw ay nabuhay mula sa pagkakahimlay.
At unti-unting inayos ang problema sa tulong Niya.
Pinatawad mo na ang iyong kaibigan at dating kasintahan,
Lahat ng sakit ay ibabaon mo na sa nakaraan.
Nakikita mo kasi sa kanila ang kasiyahan sa piling ng bawat isa.
At iniisip mong sa'yo ay may nakalaang iba.
Gumawa ka rin ng plano bilang panganay na anak,
Pinilit mong buuin ulit ang inyong pamilyang nawasak.
Bawat isa ay humingi ng tawad, at sa Kanya'y nagpasalamat.
Katulad ng iyong hangad.
Ngayon ay ikaw na'y muling masaya.
Marami ka na ulit nakakasama sa bawat araw na nagdadaan.
Pero sana Siya'y wag mo na muling kalimutan,
Pagkat mahal na mahal ka Niya.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento